The Accounts

The Official Student Publication of University of the Philippines- College of Management, Iloilo City

Kite Flying 1

Kite Flying

Kite Flying

ni Eddy Glyn Markines

Sa dami ng nais isulat, hindi ko maintindihan kung bakit ito pa. Wala nang magniningning na tala sa aking gabi. Wari parang lata ng sardinas na kinalawang sa pag patak ng ulan. Kaya mang punuin ang bote ng iba, ngunit hindi ang boteng may takip, sarado, kinalawang na ang takip, mabuti pang basagin o wala. Gaano kaya kalayo ang mararating ng bawat patak ng ulan sa malihim na ilog? Ewan, hindi ko masundan, napakalayo, ako’y maliligaw, matarikang daan, masyado nang pagod ang aking mga paa. Sa bawat papel na napupuno ko, kasama ang mga erasures at doodles, nasisiyahan ang kamay ko. Sa wakas nakarami rin ako. Marunong pala akong magsulat.  Ngunit hindi lahat ng mga salitang nailapat ay buhay. Hindi lahat ay totoo. Marahil kulang pa ang laman ng bote o kaya’y masyadong pang matarik ang daan. Hindi ko maidiin ang labi upang halikan ang bahaghari. Masyadong malayo, masyadong makulay. Hindi ko talaga siguro maabot. Maghihintay na lamang ako ng sampu pang bukas ng pag-ulan. Ang bahaghari’y kailangan kong abutin. Ngunit napakalayo. Masyadong makulay. Kinalawang na ang takip ng bote.

Filed under: Essay, Filipino,

“It is never too late to be what you might have been.”

handog ni George Eliot para sa mga kulelat

Ni: Diego M. Alba

Nalulunod na yata ang utak ko sa kasusunod sa layaw ng aking katawan?  Nasusuka na ako sa bawat karneng kinakain ko. Tuloy mismo ang ulam na bigay sa akin ng landlady ko bilang pa-consuelo sa limang oras na pamamalakad sa kanilang negosyo, ay nagbibigay sa’kin ng first-hand experience kung gaano ka ‘yuck’ ang grasa ang ‘pork’. Naiinis ako kung bakit hanggang sa oras na ‘to ay hindi parin ako nakakatulog. Siguro epekto ng pepsi na ininom ko kanina, nang malamang wala nang Tropicana sa mini grocery store <still pag-aari ng landlady ko>. Mabuti pa ang cellphone na hawak ko, nagkaroon pa ng awa sakin.  Hindi ako makatulog. Tuloy wala akong kawala sa kakaisip ko sa lahat ng ‘makaraos lang’ na attitude ko sa bagay-bagay. The scars of mediocrity are delving into my system. Ikaapat na taon ko na ‘to sa UP ngunit bakit ngayon ko lang naramdaman ang salitang ‘excellence’.  Hindi ko naramdaman ang kahulugan ng katagang ‘yon at ang responsibilidad na kakambal nun. Nasusuka na ako sa mediocrity. Gusto kong maramdaman ang pagiging iskolar. Ang pagiging iska ay pinapangarap ng iba ngunit matagal kong naramdaman ang kahulugan nito. Tumuntong ako dito sa UP dahil sa isang palpak na plano. Late enrollee ako.  Marahil yun ang dahilan kung bakit ba hindi na lang ako isinali sa bridge program sa math.  Naiinis ako kung bakit hind ko alam paano ‘mag-aral’ noon.  Naiinis ako dahil alam kong hindi ako yung batang minsang nakatulog habang kumukuha ng exam, o di kaya’y gumagala ang utak habang nag-eenjoy ang teacher sa kakagamit ng colored na chalk.  Akala ko mabilis akong tumakbo. Hindi ko pala  kayang habulin lahat ng deadlines na hindi nasusugatan.  Naiinis ako sa paniniwalang ang talino ay sapat na.  Kelangan pa pala ng gawa. Importante pala talaga ang pagkakaroon ng notebooks para may gamitin sa pag-rereview. Naiinis ako sa pangangarap ng ‘tres’ at mas malala, sa isang removal exam.  May isang marunong ang minsang nagsabing “Don’t deal with generalities, be specific.”  Naiinis ako na kahit gustuhin ko man, marami talagang mga bagay ang hindi ko kayang gawin.  Naiinis ako kung bakit hindi na ako nag-apply sa STFAP, matapos malamang hanggang bracket 5 lang ako, kahit nag-file ng appeal mula sa pagiging bracket 9.  Naiinis ako sa mga panahong nakikita ko ang mga nasa bracket 1-4 na may high-tech na cellphone habang ako na nasa bracket 5 ay nahihiya pang ilabas ang 3210.  Minsan, naiisip ko kung  bakit ganito ang naging buhay ko sa kolehiyo.  Nagkaroon ng pangalang hindi kakikitaan ng ningning, kung bakit andito ako sa kolehiyo ng pangangasiwa kung saan sa pagiging baguhan ay naramdaman ang level of hierarchy sa tatlong kurso.  Kahit hindi imposed, pero naramdaman ko.  Kung bakit sa major subjects ko lang naintindihan kung bakit hindi ko kelangang manghinayang sa mundong pinasukan ko.  Nanghihinayang ako kung bakit ngayon ko lang naintindihan ang pork barrel at kung bakit kelangang nasa pdf ang format ng pinakaimportanteng materyal na nakita ko upang ipaliwanag ito.  Maikling pahayag na kapag inipon ay malaking bukol sa ulo.

Filed under: Essay, Filipino, ,

Ang Palad sa Madilim na Kalangitan

ni Noel De Leon

Kagabi pa ang tilian
Ng mga anghel
Sa madilim
Na kalangitan.

Dumalas rin
Ang pag-papasilip

Ni Ama ng linya

Sa kanyang mga palad.

Kung manghuhula
Lang sana ako
Hindi na ito masasapit
Ng mga Ilonggo,
Di na sana lulubog ang Jaro
At madurungisan
Ang buong syudad
Ng Iloilo.

Kung manghuhula
Lang sana ako
Di ko madaranas
Ang lumangoy
At makipag-unahan
Sa mga basura
Sa mapulang tubig
Na dala ng bagyo.

Ngayon,
Madilim na
Ang buong kapaligiran.
Agos na lamang ng tubig
Ang aking naririnig,
Mga iyakan
Na nagmumula
Sa malalim na balon
At bulungan
Ng mga politikong
Nasalanta rin ng bagyo.

Inihakbang ko ng kusa
Ang aking mga paa.


Nagbasa, nagsulat
At ngayon ay patuloy
Na iniintindi

Ang init at ulan.


Patuloy na pinagmamasdan
At pinag-aaralan
Ang guhit sa madilim
Na kalangitan.

Filed under: Filipino, Poetry,

Ang Wikang Filipino Bilang Diwa ng Pambansang Pagkakaisa

Pambansang Watawat ng Pilipinas

Pambansang Watawat ng Pilipinas

ni Henry F. Funtecha, Ph. D.

Sa kasalukuyang panahon, hindi natin maipagwawalang saysay ang kahalagahan ng karunungan sa pagsasalita at pagsulat ng wikang Ingles, dahil itinuturing ito na lenggwahe ng globalisasyon.  Mismo ang ating pamahalaan ang nagsabi ng kahalagahan ng mahusay na paggamit ng Ingles upang tayo ay maging “competitive” sa buong mundo.  Ginagawa natin ito sa pagitan ng patuloy na paggamit sa Ingles bilang pamamaraan ng pagtuturo sa ating mga paaralan at bilang lenggwahe ng pakikipag-ugnay sa ating mga kababayan.

Ang mahalagang katanungan sa ngayon ay kailangan pa bang ipagpatuloy natin ang hangarin sa paglinang ng Filipino bilang pambansang wika?  Kung ating gugunitain, sinimulan ng Plipinas ang pagbuo ng Tagalog o, sa kalaunan, Filipino, bilang pambansang wika noong dekada 1930 sa panahon ng pamahalaang Commonwealh.  Masakit isipin na hanggang ngayon ay hindi pa tayo nakapagsang-ayon kung ano talaga ang wikang Filipino.

Samantala, ang ibang bansa na matagal pa bago magpataguyod ng paglinang ng pambansang wika ay talagang nagtagumpay sa kanilang hangarin.  Sa kabuuan, ang kanilang mamamayan ay nagsasalita na ng isang lenggwahe.  Ito ang karanasan ng Indonesia at Malaysia.  Ang Indonesia na siyang pinakamalaking arkipelago sa buong mundo at may humigit kumulang mga isang libong lenggwahe ay makapagsasabi na ngayon na meron silang wikang pambansa, ang Bahasa Indonesia.  Ito rin ang nangyari sa Malaysia.  Nagtagumpay din sila sa pagbuo ng pambansang wika.  Lahat na yatang mga bansa sa Asya ay meron nang ginagamit na pambansang lenggwahe, maliban sa atin.

Ang wika ay nakatali sa ating kultura at kung sino tayo.  Kaya lang, ang tinatawag nating “cultural identity” ay malabo na rin dahil sa malawakang impluwensya ng kanluraning kultura.  Kung ang lahi naman ang pag-uusapan, ang ating hitsura ay walang kaibahan sa mga tao sa Myanmar, Kampuchea, Malaysia, Indonesia, at Brunei.  Kaya, ang lenggwahe lamang ang malinaw na batayan ng pagiging isang bansa natin.  Kahit na ang Ingles ang “lingua franca” ng buong mundo, kailangan pa rin natin ang pambansang wika.  Ang sariling wika lamang ang makapagpapahayag ng tunay na niloloob at mga emosyon natin.  Halimbawa, iba ang magiging resulta kung ang isang nakatatawang istorya sa orihinal na wikang sarili ay isasalin at bibigkasin sa Ingles.  Dagdag pa, ang pambansang wika ay makatutulong sa paglinang ng pagkakaisa at ang tinatawag na “sense of belongingness”.  Ang nga Intsik at Hapon ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang wika.  At sila ang mas maunlad na mga bansa kahit na hindi sila marunong ng Ingles.

Tinatanggap natin na dahil sa karunungan natin ng Ingles, libo-libong kababayan natin ang nakahahanap ng trabaho sa labas ng bansa.  Kaya lang, karamihan sa mga gawain ng mga Pilipino doon ay iyong paninilbihan sa mga dayuhan.  Ito ang kalagayan ng ating mga “domestic helpers”, “caregivers”, “entertainers”, at mga nars.  Ito ba ang ideya natin sa “competitiveness”?  Sa aking pananaw, ang tunay na pagiging “competitive” ay kung tayo ay magiging negosyante, kapitalista, mangangalakal, teknisyan, may-ari ng paaralan at tindahan, at tagapagbenta ng ating mga produkto sa ibang bansa.

Ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, ay nagpahayag ng kahalagahan ng pag-ibig sa bansa sa pamamagitan ng pagmamahal sa wikang Filipino.  Sinabi pa niya na “ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mas masahol pa sa malansang isda!”  Hindi maituturing na makabayan ang isang tao kung ikinahihiya niya ang sariling wika.  Ito ay isang bagay na dapat mapagliming mabuti ng mga kababayan natin na walang pagpapahalaga sa sariling wika, pambansa man o rehiyunal.  Nakakalungkot isipin na sa kasalukuyang panahon, marami sa ating mga Pilipino ang higit na humahanga sa mga kababayan nating napakahusay magsalita ng Ingles.  Dagdag pa, kapag hindi marunong mag-Ingles ang isang Pilipino, itinuturing na hindi siya kasinggaling o kasingtalino ng iba na mahusay mag-Ingles.

Lahat ng mga Pilipino ay may tungkulin sa pagmamahal sa sinilangang bayan at, natural, sa sariling wika.  Sa wika na lamang siguro natin maaaring makita ang pagkakaiba natin sa ibang mga tao sa mundo, lalo na ngayon na maaaring ibahin o baguhin ang kulay ng ating balat, ang anyo ng ating mukha at kahit na ang hugis ng ating katawan.  Ang wikang Filipino ay ang nalalabing diwa ng ating damdaming makabayan at pambansang pagkakaisa at kailangan natin itong bigyan ng kaukulang pagpapahalaga.

Filed under: Columns, Essay, Filipino, , ,

Categories

Archives

We keep you informed when no one dares!

  • 116,450 hits

The Scribes

weblogs
Please do not change this code for a perfect fonctionality of your counter weblogs
visitors map

Free Student Publication of a Free Student Body

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 4 other followers

August 2017
M T W T F S S
« Dec    
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031