The Accounts

The Official Student Publication of University of the Philippines- College of Management, Iloilo City

Ang Wikang Filipino Bilang Diwa ng Pambansang Pagkakaisa

Pambansang Watawat ng Pilipinas

Pambansang Watawat ng Pilipinas

ni Henry F. Funtecha, Ph. D.

Sa kasalukuyang panahon, hindi natin maipagwawalang saysay ang kahalagahan ng karunungan sa pagsasalita at pagsulat ng wikang Ingles, dahil itinuturing ito na lenggwahe ng globalisasyon.  Mismo ang ating pamahalaan ang nagsabi ng kahalagahan ng mahusay na paggamit ng Ingles upang tayo ay maging “competitive” sa buong mundo.  Ginagawa natin ito sa pagitan ng patuloy na paggamit sa Ingles bilang pamamaraan ng pagtuturo sa ating mga paaralan at bilang lenggwahe ng pakikipag-ugnay sa ating mga kababayan.

Ang mahalagang katanungan sa ngayon ay kailangan pa bang ipagpatuloy natin ang hangarin sa paglinang ng Filipino bilang pambansang wika?  Kung ating gugunitain, sinimulan ng Plipinas ang pagbuo ng Tagalog o, sa kalaunan, Filipino, bilang pambansang wika noong dekada 1930 sa panahon ng pamahalaang Commonwealh.  Masakit isipin na hanggang ngayon ay hindi pa tayo nakapagsang-ayon kung ano talaga ang wikang Filipino.

Samantala, ang ibang bansa na matagal pa bago magpataguyod ng paglinang ng pambansang wika ay talagang nagtagumpay sa kanilang hangarin.  Sa kabuuan, ang kanilang mamamayan ay nagsasalita na ng isang lenggwahe.  Ito ang karanasan ng Indonesia at Malaysia.  Ang Indonesia na siyang pinakamalaking arkipelago sa buong mundo at may humigit kumulang mga isang libong lenggwahe ay makapagsasabi na ngayon na meron silang wikang pambansa, ang Bahasa Indonesia.  Ito rin ang nangyari sa Malaysia.  Nagtagumpay din sila sa pagbuo ng pambansang wika.  Lahat na yatang mga bansa sa Asya ay meron nang ginagamit na pambansang lenggwahe, maliban sa atin.

Ang wika ay nakatali sa ating kultura at kung sino tayo.  Kaya lang, ang tinatawag nating “cultural identity” ay malabo na rin dahil sa malawakang impluwensya ng kanluraning kultura.  Kung ang lahi naman ang pag-uusapan, ang ating hitsura ay walang kaibahan sa mga tao sa Myanmar, Kampuchea, Malaysia, Indonesia, at Brunei.  Kaya, ang lenggwahe lamang ang malinaw na batayan ng pagiging isang bansa natin.  Kahit na ang Ingles ang “lingua franca” ng buong mundo, kailangan pa rin natin ang pambansang wika.  Ang sariling wika lamang ang makapagpapahayag ng tunay na niloloob at mga emosyon natin.  Halimbawa, iba ang magiging resulta kung ang isang nakatatawang istorya sa orihinal na wikang sarili ay isasalin at bibigkasin sa Ingles.  Dagdag pa, ang pambansang wika ay makatutulong sa paglinang ng pagkakaisa at ang tinatawag na “sense of belongingness”.  Ang nga Intsik at Hapon ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang wika.  At sila ang mas maunlad na mga bansa kahit na hindi sila marunong ng Ingles.

Tinatanggap natin na dahil sa karunungan natin ng Ingles, libo-libong kababayan natin ang nakahahanap ng trabaho sa labas ng bansa.  Kaya lang, karamihan sa mga gawain ng mga Pilipino doon ay iyong paninilbihan sa mga dayuhan.  Ito ang kalagayan ng ating mga “domestic helpers”, “caregivers”, “entertainers”, at mga nars.  Ito ba ang ideya natin sa “competitiveness”?  Sa aking pananaw, ang tunay na pagiging “competitive” ay kung tayo ay magiging negosyante, kapitalista, mangangalakal, teknisyan, may-ari ng paaralan at tindahan, at tagapagbenta ng ating mga produkto sa ibang bansa.

Ang ating pambansang bayani, si Jose Rizal, ay nagpahayag ng kahalagahan ng pag-ibig sa bansa sa pamamagitan ng pagmamahal sa wikang Filipino.  Sinabi pa niya na “ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay mas masahol pa sa malansang isda!”  Hindi maituturing na makabayan ang isang tao kung ikinahihiya niya ang sariling wika.  Ito ay isang bagay na dapat mapagliming mabuti ng mga kababayan natin na walang pagpapahalaga sa sariling wika, pambansa man o rehiyunal.  Nakakalungkot isipin na sa kasalukuyang panahon, marami sa ating mga Pilipino ang higit na humahanga sa mga kababayan nating napakahusay magsalita ng Ingles.  Dagdag pa, kapag hindi marunong mag-Ingles ang isang Pilipino, itinuturing na hindi siya kasinggaling o kasingtalino ng iba na mahusay mag-Ingles.

Lahat ng mga Pilipino ay may tungkulin sa pagmamahal sa sinilangang bayan at, natural, sa sariling wika.  Sa wika na lamang siguro natin maaaring makita ang pagkakaiba natin sa ibang mga tao sa mundo, lalo na ngayon na maaaring ibahin o baguhin ang kulay ng ating balat, ang anyo ng ating mukha at kahit na ang hugis ng ating katawan.  Ang wikang Filipino ay ang nalalabing diwa ng ating damdaming makabayan at pambansang pagkakaisa at kailangan natin itong bigyan ng kaukulang pagpapahalaga.

About these ads

Filed under: Columns, Essay, Filipino, , ,

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Free Student Publication of a Free Student Body

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Join 4 other followers

August 2008
M T W T F S S
« Jul   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: